TUGUEGARAO CITY, Cagayan , Philippines - Tinatayang umaabot sa 40 container ng iba’t ibang kemikal na ginagamit sa paggawa ng shabu at eksplosibo ang nadiskubre ng mga awtoridad nang kanilang salakayin ang isang abandonadong bodega ng nabuwag na black sand mining company sa Barangay Tallungan, Aparri, Cagayan noong Huwebes. ?
Sinabi ni Louela Tomas, tagapagsalita ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Cagayan Valley, pinaniniwalaang kumambiyo sa paggawa ng shabu ang mga Tsino mula nang pahintuin sila sa pagmimina ni Governor Manuel Mamba.?
Ang mga namamahala ng bodega ng Hua-Xia Mining Company na sina Lito Lim, Michael Tan at dalawang “John Does” ay nakatakas bago pa dumating ang pinagsanib na raiding team ng PDEA, Police Regional Office (PRO) 2 at 17th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army dakong alas-12:30 ng tanghali.
Armado ng search warrant na ipinalabas ni Aparri Regional Trial Court Judge Oscar Zaldivar, pinasok ng mga operatiba ang warehouse ng nasabing minahan na pag-aari ng mga negosyanteng Tsino.