BULACAN , Philippines - Patay ang dalawang notoryus drug peddler habang tatlo naman ang nasakote sa inilatag na magkasunod na buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Batia, bayan ng Bocaue, Bulacan noong Martes ng madaling araw.
Kinilala ang dalawang napatay na sina Melchor Bantilan Jr., at Alyas Hapon habang arestado naman sina Irene Maglente, Mark Anthony Napolis, at James Lucero, mga nakatira sa Phase 2, Saint Martha Homes sa nasabing barangay.
Sa ulat na isinumite ni P/Supt. Jowen Dela Cruz sa Camp Alejo Santos, isinailalim sa buy-bust operation si Bantilan Jr. subalit nakatunog na mga pulis ang kanyang ka-deal kaya ito kumasa subalit napatay.
Maging ang kasabwat na si Alyas Hapon ay napatay din habang nasakote naman ang ka-live-in ni Bantilan na si Maglente at dalawang iba pa.
Nasamsam sa mga suspek ang cal.22 revolver, cal. 9mm pistol,mga bala, 76 plastic sachet ng shabu, mga drug paraphernalia at ang P1,500 marked money.