Police station ni-raid ng NPA: Pulis dedo, 1 pa dinukot
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Napatay ang isang pulis na court processing officer habang isa namang kabaro nito ang dinukot makaraang salakayin ng mga rebeldeng New People’s Army ang himpilan ng pulisya sa bayan ng Maddela, Quirino noong Sabado ng gabi.?
Kinilala ni Quirino police director P/Senior Supt Merwin Cuarteros ang napatay na si PO2 Jerome Cardenas habang tinangay naman si SPO4 Antonio Siriban sa pagtakas ng mga rebelde.?
Napag-alamang napaslang si PO3 Cardenas matapos tangkain nitong lumaban.?
Tinangay din ng mga rebelde ang Toyota Hilux at Mahindra service vehicle ng himpilan subalit iniwan nila ito kasama si SPO4 Siriban sa Barangay Cabua-an.?
Sinasabing wala sa police station ang hepe na si P/Chief Insp. Jhun-Jhun Balisi nang sumugod ang hindi bababa sa 50 rebelde sakay ng dalawang Toyota Hi-ace van, Toyota Altis at isang Elf truck dakong alas-10:30 ng gabi.?
Ayon sa ulat, pumarada pa sa harap ng himpilan ng pulisya ang mga sasakyan ng rebelde saka minura ang naka-duty na P/Insp. Resty Derupe saka dinisarmahan ang ilang pulis.
Nagkalat ang mga bakas ng tama ng bala sa harapan ng himpilan ng pulisya sa bayan ng Maddela, Quirino matapos ang pagsalakay ng mga rebelde, kamakalawa ng gabi. Nabawi naman ang patrol car ng pulisya na nakaparada sa harapan ng nasabing station. Kuha ni Victor Martin
Ilan sa mga rebelde ang nagtangkang wasakin ang lock-up cell ng Bureau of Jail Management and Penology sa loob ng presinto gamit ang mga bareta subalit nabigo.?
Hindi naman kinilala ng opisyal ang presong nais pakawalan ng mga rebelde.?
Tumangay pa ng dalawang laptop, set ng police camouflage uniform ng pulisya, 3 M16 Armalite Rifle, at isang cal. 9mm pistol.?
Isang dumptruck at crusher na pag-aari ng Triple “A” Construction company ang sinunog ng NPA na kanilang nadaanan sa Barangay San Pedro. ?
Inamin naman ni Government Peace Negotiator Silvestre Bello III na makakaapekto ang naganap na insidente sa isinusulong na peace talks sa mga komunista subalit tumanggi na itong magbigay ng iba pang detalye.
- Latest