LUCENA CITY, Quezon , Philippines - Palibhasay tubong Marinduque at malawak ang kasanayan sa intelligence gathering, naging madali kay P/Supt. Art Brual Jr. hepe ng Lucena City police na matukoy ang pinagtataguan at madakip ang itinuturing na most wanted person sa nasabing lungsod.?
Sa tulong ng mga operatiba ng Torrijos police, nadakip nina P/Supt. Brual noong nakalipas na linggo ang wanted na si Brian “Ian” Frias, 41, ng Barangay Cotta, isang araw matapos na patayin sa saksak ang nakaaway nitong si alyas Magno sa bayan ng Torrijos, Marinduque.?
Ayon sa ulat, tumakas si Frias saka sumakay ng barko patungo sa Marinduque noong Biyernes Santo makaraang mabatid na pinaghahanap na siya ng pulisya.?
Namalagi sa Marinduque si Frias hanggang makaaway at mapatay si alyas Magno.
Nang matanggap ang impormasyon ay agad na tinungo ni P/Supt. Brual ang Marinduque at doon ay plinano ang pag-aresto sa suspek.?
May ilan buwan ding naghasik ng takot sa nasabing lungsod si Frias kasunod ng ginawa nitong pangho-hostage sa eskwelahan sa Barangay Cotta at pamamaslang sa kanyang nakukursunadahan.?
Dahil sa pagkakaaresto sa wanted ay pinapurihan ni Mayor Roderick Alcala si Brual at nagbigay katiyakan sa mga residente na oras na maibalik si Frias sa lungsod ay mawawala na ang pangambang idinulot nito.