Kasal di-natuloy dahil sa clan war
COTABATO CITY, Maguindanao, Philippines - Hindi natuloy ang kasalan matapos na mabulabog at nagsitakbuhan ang mga bisitang dumalo dahil sa pagsiklab ng clan war sa Barangay Midpandacan, General SK Pendatun, Maguindanao kahapon.
Ayon kay Maguindanao PNP spokesperson P/ Insp. Razul Pandulo, away pamilya (rido) ang dahilan kaya sumiklab ang bakbakan ng dalawang grupo.
Ayon sa ulat, grupo ni Malembag Guiad ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang nakasagupa ng grupo ni Gani Saligan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Nagsimula ang panakanakang putukan sa nasabing lugar pasado alas-2 ng hapon.
Wala pang naiulat na napatay o nasugatan sa nasabing engkwentro pero isang kasal ang hindi natuloy dahil sa takot ng mga dumalo na maipit sa encounter.
Samantala, naglatag naman ng peace intervention ang pamahalaang lokal ng General SK Pendatun kasama ang militar at pulisya upang humupa ang tensyon sa pagitan ng dalawang grupo.
- Latest