COTABATO CITY, Maguindanao, Philippines - Hindi na nakadalo sa graduation ng kanyang anak ang isang sundalo matapos itong pagbabarilin at mapatay ng hindi kilalang salarin habang naliligo sa Barangay Tukanalipao, bayan ng Mamasapano, Maguindanao, kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Insp. Razul Pandulo ang biktima na si Corporal Tamano Macadatar ng Engineering Battalion ng Army’s 52nd Engineering Brigade.
Sa inisyal na pagsisiyasat, naliligo ang biktima malapit lang sa kanilang kampo nang lapitan at ratratin.
Ayon kay Pandulo, nag-ayos na si Macadatar dahil dadalo sa graduation ng kanyang anak sa bayan ng Barira nang makasalubong si kamatayan.
Nabatid na isa si Macadatar sa mga sundalong tumulong sa pagtatayo ng mga learning center para sa mga residente ng Barangay Tukanalipao.
Pinaniniwalaang miyembro ng teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang gunman.