MANILA, Philippines - Mas normal pa ang nararanasang mainit na panahon ngayong taon sa bansa lalu na sa Metro Manila, kumpara noong isang taon.
Ito ayon kay Benizon Estareja, weather specialist ng PagAsa sa isang panayam ay dahil noong nakaraang taon ay umiiral ang El Niño o tagtuyot na panahon na matindi ang init kaysa sa ngayon na neutral ang panahon.
Nilinaw ni Estareja na kahit mainit na ngayon ang nararamdaman ng mga tao ay hindi pa naman summer.
“Kahit mainit di pa po summer at kung anu pong init ngayon ay yan din po ang inaasahang init na mararamdaman natin sa summer season, mas ok lamang po ngayon dahil neutral ang panahon ngayon, walang El Niño at wala ring La Niña” pahayag ni Estareja.
Sinabi pa nito na dahil malakas pa ang umiiral na hanging Amihan sa Luzon, hindi pa nila maidedeklarang summer na.
“Hanggang weekend po o last week ng March ay andiyan pa rin po ang amihan base sa aming monitoring kaya di pa po namin ma-declare na summer na, maybe po oras na mag-subside ang Amihan, thats the time na maidedeklara naming summer season na ”, sabi pa ni Estareja.
“Yung init po ngayon ay bunsod ng easterlies o ang mainit at maalinsangang hangin mula sa Pacific Ocean”, paliwanag pa nito.
Nanawagan din si Estareja sa publiko na kung wala namang gagawin sa labas ay huwag na lamang lalabas ng bahay mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon na kasikatan ng mainit na panahon at kung lalabas naman ng bahay ay dapat magsuot lamang ng komportableng damit tulad ng maninipis na cotton na damit para mapreskuhan ang katawan. Ugaliin din anyang magdala ng inuming tubig at mga pananggalang sa init ng araw tulad ng payong, sumbrero,face towel o panyo
Kahapon anya, nakapagtala ang PagAsa ng mainit na panahon sa Metro Manila na 33 hanging 34 degrees celcius, 25 hanggang 26 degress celcius sa Baguio at 31 degress celcius sa Cagayan valley area.