925 buntis nabiyayaan ng medical service ng Q1K

QUEZON, Philippines - Umaabot sa 925 buntis at mga sanggol ang patuloy na nabibigyan ng serbisyong medical sa ilalim ng programang Quezon’s First 1000 Days of Life (Q1K) sa lalawigan  ng Quezon.

Sa tatlong araw na Q1K Summit sa Taal Vista Hotel sa Tagaytay City, Cavite, nilagdaan ang Memorandum Of Agreement (MOA)  nina Quezon Governor David Suarez, Undersecretary Achilles Gerard Bravo ng Office of Administrative, Finance and Procurement ng Department of Health (DOH) at kinatawan ng Philhealth upang palawigin ang nasa­bing programa at mabigyan ng benepisyong medical ang mga ina at sanggol  sa Quezon.

Layunin ng Q1K na mabawasan ang mga ina at sanggol na namamatay dahil sa hindi ligtas na pagbubuntis at panganganak, mapaunlad ang kalidad ng pamumuhay sa pamamagitan ng pagpapalawig ng mga programang pangnutrisyon, pamamaraan ng pagpapalaki ng bata sa pagsasagawa ng mga health education at seminars.

Ayon kay Governor Suarez, una nilang inilunsad ang Q1k program noong Mayo 15, 2014 matapos maglaan ang pamahalaan ng Quezon ng P20 milyong pondo.

Umabot sa 12 lalawigan ang nakinabang sa programa sa pagbibigay ng libreng regular check-up  sa mga ina at sanggol kung saan nagbibigay ng libreng bakuna, bitamina at pangangalaga sa sanggol sa loob ng 1,000 araw hanggang sa tumuntong ito sa 2-anyos.

Naging matagumpay naman ang programa na uma­bot na sa 39 munisipalidad at dalawang siyudad sa Quezon ang nabiyayaan.

Sa kasalukuyan ay target ng pamahalaan ng Quezon na maglaan ng pondong P40 milyon kung saan magtatayo ng halfway homes na matutuluyan ng mga buntis bago ang nakatakdang pa­nganganak.

Bukod dito, nabibigyan din ng insentibo na limang kilong bigas ang mga tricycle driver na naghahatid sa mga buntis sa mga klinika at pagamutan.

Lumitaw na ang Quezon ang unang probinsiya sa bansa na nakapagpatupad ng nasabing programa kaya kinilala itong LGU Champion of First 1000 Days of Life.

Show comments