MANILA, Philippines - Umaabot sa 15-katao na karamihan ay estudyante sa kolehiyo ang namatay habang 20 naman ang nasugatan makaraang sumalpok ang tourist bus sa kongkretong poste ng kuryente sa naganap na madugong field trip sa Sitio Bayugan, Barangay Sampaloc sa bayan ng Tanay, Rizal kahapon ng umaga.
Sa ulat na ipinarating kahapon ni Engineer Carlos Inofre, hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa Office of Civil Defense, naganap ang trahedya sa pakurbadang highway sa Magnetic Hill malapit sa Pelegrino Farm dakong alas-8:40 ng umaga.
Nabatid na 10 sa mga biktima ay dead-on-the-spot, tatlo naman ang idineklarang patay sa ospital habang dalawa ang namatay habang ginagamot.
Patuloy namang ginagamot sa Rizal Provincial Hospital, Camp Capinpin Hospital, Tanay Community Hospital, at sa Tanay General Hospital kabilang ang 25 pang estudyante kung saan nasa kritikal ang iba pa.
Kabilang naman sa mga namatay na naipaalam na sa kani-kanilang mga magulang ay sina Jeid E. Cabino, Jonahfay C. Cerezo, Arneline B. Galauram, Robert Kenneth T. Pepito, Princess Nina S. Sentonis at si Lovely C. Siringan.
Namatay din ang driver ng tourist bus na si Julian Lacorda, 37, na sinasabing may tatlong buwan pa lamang sa nasabing kompanya subalit dati itong driver sa ibang bus company.
Inilipat naman sa Amang Rodriguez Hospital ang 19 sugatan na nakilalang sina Richard Gallego, 24; Jeffrey Epino, 24; Philip Molina, 21; Jerwin Abulag, 18; John Loyd Besagas, 17; Jasmin Samauna, 18; Rico Melendrez, 18; Arvin Abarcar, 17; Adrian Lamoste, 23; Anthony Melgarejo, 22; Raymond Pee, 20; Sheila Mae Serapel, 20; Edgar Quinones, 25; Mark Briones, 19; Marisol Batacap, 18; Hazel Buram, 19; Dana Erica Lozendo, 19; Chonalyn Ong, 18; at si Mark Barcelona, 24.
Sa inisyal na imbestigasyon, lulan ng asul na tourist bus ng Panda Coach Tours and Transport Inc. (TXS 325) ang mga estudyante, guro at school adviser ng Bestlink College of the Philippines sa Novaliches, Quezon City na patungo sa Sacramento Valley Resort para sa camping activity bilang field trip.
Napag-alamang siyam na tourist bus ang nirentahan ng nasabing kolehiyo para sa gaganapin field trip
Gayunman, nawalan ng preno ang bus habang bumabagtas sa pakurbada at pababang bahagi ng highway kaya nagtuluy–tuloy na sumalpok sa poste ng kuryente.
Sa lakas ng pagkakabangga ay nawasak ang bubungan ng bus partikular na sa kaliwang bahagi na nagkayupiyupi.
Sa pahayag ng ilang survivors partikular na si Rolluna Nesher, hindi naman mabilis ang takbo ng bus at nakakaamoy kami ng nasusunog na goma bago maganap ang trahedya.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Panda Coach Tours & Transport Inc. reservation officer Jona Martires na tutulungan nila ang mga biktima partikular na sa mga gastusin sa pagpapalibing at pagpapagamot.
Emosyonal ding sinabi ni Martires na nakikiramay sila sa pamilya ng mga biktima at sinabing hindi nila kagustuhan ang nangyari.