Ex-colonel ng PAF inutas, ninakawan

LAGAWE, Ifugao , Philippines – Pinabulagta ang 47-anyos na retiradong colonel ng Philippine Air Force matapos itong pagbabarilin ng mga hindi kilalang lalaki habang nagbibisikleta sa bisinidad ng Sitio Liwon, Barangay Amduntog sa bayan ng Asipulo, Ifugao kamakalawa.

Dalawang bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng biktimang si ex-Colonel Oscar Ibarra ng Bagabag, Nueva Vizcaya.

Sa panayam kay P/Chief Insp. Leo Guay, hepe ng Asipulo PNP, dakong alas-3:40 ng hapon nang makita ng apat na estudyante ang bangkay ni Ibarra sa tabi ng bisekleta nito sa provincial road.

Bago maganap ang pamamaslang, dumaan muna ang biktimang nagbibisekleta sa himpilan ng pulisya dakong alas-11 ng umaga para tumimbre sa mga pulis na magbibisikleta sa ilang matataas na kalsada sa nasabing bayan.

Gayunman, pinayuhan ng mga pulis ang biktima na huwag magtuloy sa kabundukan lalo na at mainit ang nasabing lugar dahil sa katatapos lang na sagupaan ng militar at rebeldeng New People’s Army noong Linggo (Pebrero 12) sa Barangay Namal sa nabanggit na bayan.

Tumugon naman ang biktima at sinabing kukuha lamang ng mga larawan subalit labis na lamang ang pagkabigla ng pulisya nang matanggap ang ulat kaugnay sa pagkakadiskubre sa bangkay ni Ibarra malapit sa view point ng Barangay Amduntog.

Ayon pa kay Guay, malayo naman umano ang Barangay Namal kung saan naganap ang sagupaan at Barangay Amduntog na kadalasan ay inaabot ng anim hanggang 8-oras na lakaran.

Napag-alaman na na­wawala ang ilang personal na gamit ng biktima partikular ang cell phone at pitaka.

Kinondena naman ng ilang grupo ng biker sa Nue­va Vizcaya at Ifugao ang pagpaslang sa biktima na isa umanong mapagmahal sa kalikasan.

Show comments