CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga, Philippines – Blanko pa rin ang pulisya sa pagkakapaslang sa presidente ng Liga ng mga Barangay sa bayan ng San Simon, Pampanga noong Sabado ng tanghali. Ayon kay P/Chief Insp. Charlmar Gundaya, hepe ng San Simon PNP, walang pagkakakilanlan sa riding-in-tandem gunmen na tumakas matapos pagbabarilin si Chairman Sonny Simbulan ng Barangay Concepcion. Base sa tala ng pulisya, bumibili ng makakain para sa tanghalian ang biktima nang biglang lapitan at ratratin ng mga gunmen. Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol at M16 rifle. Sa ngayon ay sinisikap pa ring makilala ang gunmen makaraang makakuha ng kopya ng CCTV camera footage.