MANILA, Philippines – Apat na sibilyan kabilang ang barangay chairman at misis nito ang iniulat na dinukot ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa magkakahiwalay na paghahasik ng karahasan sa bayan ng Trento, Agusan del Sur at bayan ng Maco sa Compostela Valley, ayon sa opisyal kahapon. Sinabi ni Captain Rhyan Batchar, spokesperson ng Army’s 10th Infantry Division, unang binihag sina Chairman Rene Carlos ng Barangay Pangan at misis nitong si Maribeth Carlos matapos na sumalakay ang mga rebelde sa bayan ng Trento, Agusan del Sur. Samantala, sumunod namang binihag ng mga rebelde ang mag-amang Junjun Custodio at Marjun sa Brgy. Malamudao, bayan ng Maco, Compostela Valley kamakalawa. Ang mag-ama ay inakusahan ng mga rebelde na informer ng militar kaugnay ng inilunsad na all-out war laban sa NPA rebs partikular na sa Compostela Valley-Davao Region.