15 NPA rebs bulagta sa bakbakan
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Umaabot sa 15 rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nalagas habang lima naman sa panig ng pamahalaan ang nasugatan makaraang makasagupa ang tropa ng militar sa liblib na bahagi ng bayan ng Sto. Niño, Cagayan kamakalawa.?
Kasunod nito, nanawagan ang New People’s Army Danilo Ben Command, West Cagayan ng ceasefire sa pamahalaan kasunod ng patuloy na pagtugis sa kanila.
Ito ang inihayag ni P/Chief Supt. Eliseo Rasco, Cagayan Valley police director sa pananalita ni NPA Danilo Ben Command Spokesman Crispin Apolinario na ipinarinig sa mga himpilan ng radyo.?
“Imahinasyon lang ni Rasco ang bilang ng namatay na NPA,” ayon kay NDF consultant Randy Malayao.
Gayunpaman, sinabi ni Rasco na kinakailangan magpakita ng sinseridad ang mga rebelde sa pamamagitan ng pagsuko ng kanilang armas ng mga namatay nilang kasamahan. ?
Nabatid na itinakas ng mga rebelde ang mga napatay at sugatan nilang kabaro sa pag-atras patungo sa direksyon sa Barangay Balani sa nasabing bayan.
Ayon sa police report, may mga bakas ng dugo at natanggal na bahagi ng bituka ang natagpuan ng mga sundalo ng pamahalaan sa dinaanan ng patakas ng rebelde.?
Kinilala naman ni P/Senior Inspector Rogelio Catubag, hepe ng Rizal PNP ang mga sugatang sundalo na sina Sgt. Antonio Abarriao Jr., Pfc. Recher Basyagon, Sgt. Johndick Padua, Corporal Orly Camarao at isang Villamor Bumussao.?
Matatandaan na pumutok noong Miyerkules ang labanan ng NPA at militar sa Sitio Lagum, Barangay Lipatan sa bayan ng Sto. Niño nang tambangan ang combat patrol ng 17th Army Division.?
Napatay sa ambush si Pfc. Roel Tabuada ng Tuao, Cagayan. Dagdag ulat ni Victor Martin
- Latest