COTABATO City, Philippines - Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang pamangkin ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza sa isinagawang anti-illegal drug operations ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Catalunan Pequeño, Davao City kahapon ng umaga.
Ginawa ang buy-bust operation sa bahay ni John Paul Dureza, sa nasabing lungsod na kanyang ikinaaresto. Bukod kay John Paul, natiklo ang isa pang kasama nito na si Jose Anthony Huilar ng halos 15 gramo ng shabu. May nakuha rin mula sa dalawang suspek na isang rifle at 117 mga bala.
Sinabi ni PDEA Regional Dir. Adzhar Albani, nasa kanilang drug watchlist si John Paul.Aabot aniya sa P225,000 ang halaga ng mga nakumpiskang droga sa dalawang suspek.
Samantala, kinumpirma ni Sec. Dureza na pamangkin niya si John Paul na naaresto ng PDEA.Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Dureza na kahiya-hiya ang nangyari dahil malapit na kaanak niya ang nadakip na si John Paul sa drug operation.