CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines – Isa sa 20 rebeldeng New People’s Army (NPA) ang napatay makaraang makasagupa ang tropa ng militar sa Sitio Kalibunlibunan, Barangay Pinagturilan sa bayan ng Sta. Cruz, Occidental Mindoro, kamakalawa ng hapon.? Sa ulat na nakarating kay Southetn Luzon Command Commander Lt. Gen. Ferdinand Quidilla, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng NPA rebs na napatay.
Sumiklab ang bakbakan matapos na tuluyang tapusin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks sa hanay ng CPP-NPA-NDF bunga na rin ng karahasan at serye ng pag-atake ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) laban sa tropa ng pamahalaan kung saan anim na sundalo ang napatay sa Malaybalay City, Bukidnon noong nakalipas na linggo.
Nabatid na nakatanggap ng ulat ang tropa ng militar kaugnay sa presensya ng mga rebelde na nangha-harass ng mga sibilyan.
Agad namang rumesponde ang mga sundalo at nakasagupa ang mga rebelde kung saan tumagal ng 30 minuto at napatay ang isang rebelde.
Pinaniniwalaang mga rebelde na sangkot sa pag-atake sa security detachment sa bayan ng Nasugbu, Batangas ang nakasagupa ng militar noong nakalipas na linggo.
Wala namang nasugatan sa panig ng militar sa naganap na bakbakan.
Narekober sa encounter site ang isang cal. 45 pistol, isang M16 rifle, binocular, apat na backpacks, mga kagamitan at mga subersibong dokumento.