QUEZON, Philippines – Pinasabog ang ulo ng 62-anyos na magsasaka matapos itong pagbabarilin ng hindi kilalang lalaki habang nasa kasagsagan ng malakas na ulan kamakalawa ng hapon sa Barangay Masin Sur, bayan ng Candelaria, Quezon. Kinilala ni P/Supt. Freddie Dantes, chief of police sa Candelaria ang biktima na si Domingo Salud, may asawa, ng Barangay Kinatihan Dos. Sa salaysay ng ilang residente, nagmomotorsiklo ang biktima sa kahabaan ng Maharlika Highway patungo sa kabayanan nang sabayan at pagbabarilin ng riding-in-tandem assassins. Nang sumubsob ang biktima sa pagitan ng dalawang poste sa gilid ng kalye ay tumakas ang mga gunmen patungo sa bayan ng Tiaong. Narekober sa crime scene ang isang cal.1911 colt pistol, 2 magazine at 21 bala mula sa beywang ng biktima.