2 NBI men ‘nagsabong’, 1 patay

Dahilan lamang sa alitan sa pusta sa sabong, nasawi ang isang security member ng National Bureau Investigation matapos pagbabarilin ng nakabanggang NBI intelligence officer sa isang cockpit arena sa Capas, Tarlac kamakalawa ng gabi.
File photo

MANILA, Philippines - Dahilan lamang sa alitan sa pusta sa sabong, nasawi ang isang security member ng National Bureau Investigation matapos pagbabarilin ng nakabanggang NBI intelligence officer sa isang cockpit arena sa Capas, Tarlac kamakalawa ng gabi.

 Sa ulat ni Police Regional Office (PRO) 3 Director P/Chief Supt. Aaron Aquino, kinilala ang nasawing biktima na si Lavernie Vitug, 53 anyos, security officer ng NBI Tarlac, residente ng # 4312 Don Gregorio Avenue, San Sebastian, Tarlac City.

Pinaghahanap naman ang suspek na si Boy de Castro, nasa hustong gulang, intelligence officer ng NBI-Manila  na ang huling address ay sa Green Village, Concepcion, Tarlac.

Bandang alas-6:20 ng gabi nang maitala ang pamamaril sa Triple 888 Cockpit Co­liseum sa nabanggit na lugar.

Ayon sa imbestigasyon,  nagkaroon ng pagtatalo sina de Castro at Vitug  sa loob ng nasabing cockpit arena  sa pustahan sa sabong dahilan sa pagtaya ng huli na nakasuot pa ng uniporme ng NBI.

Sa gitna ng pagtatalo  ma­tapos umanong hamunin ng biktima ang suspek na ilabas ang NBI badge nito  na kinuha nito sa kaniyang na­kaparadang behikulo at tinungo ang kinaroroonan ng suspek na pinaputukan nito.

Napuruhan naman ng tama ng bala sa katawan si Vitug na siya nitong dagliang ikinamatay habang mabilis na­mang tumakas ang suspek.

Nagsasagawa na ng follow-up investigations ang mga awtoridad sa kasong ito.

Show comments