Hepe ng Angeles City sinibak 7 tauhan nito nasangkot sa hulidap vs 3 Koreano…
MANILA, Philippines – Sinibak na rin kahapon sa puwesto ang hepe ng Angeles City Police sa Pampanga kaugnay ng pagkakasangkot ng pito nitong tauhan sa kaso ng pagdukot, robbery/holdup at extortion sa tatlong negosyanteng Koreano.
Ayon kay Police Regional Office 3 Director P/Chief Supt. Aaron Aquino, si Angeles City Police Director P/Senior Supt. Sidney Villaflor ay sinibak sa puwesto alinsunod sa isyu ng command responsibility kung saan pansamantalang papalitan ni P/Senior Supt. Jose Hidalgo Jr.
Una nang sinibak ni Aquino ang pitong pulis na sina PO3 Arnold Nagayo, PO3 Roentjen Domingo, PO2 Richard King Agapito, PO2 Ruben Rodriguez, PO3 Gomerson Evangelista, PO1 Jayson Ibe at si PO1 Mark Joseph Pineda.
Samantala, nadamay din na nasibak sa puwesto na sina Angeles City Police Station 5 Precinct Commander P/Chief Inspector Wendel Arinas at P/Senior Inspector Rolando Yutuc, deputy station commander.
Inatasan si Aquino ni Chief PNP na pabilisin ang summary dismissal na ipinatatapos sa loob ng 60-araw laban sa mga akusadong pulis.
Base sa record, ang mga suspek ay inakusahan ng pagdukot, robbery holdup at extortion sa tatlong Koreano sa isang subdibisyon sa Angeles City, Pampanga noong Disyembre 30, 2016.
Gayunman, sumingaw lamang ang insidente matapos na sumulat kay P/Deputy Director General Francisco Uyami Jr. ang Embassy of the Republic of Korea sa pamumuno ni Minister and Consul General Kwon Won-jik noong Enero 3, 2017.
Nabatid na ang tatlong Koreano ay inaakusahan ng mga pulis na sangkot sa illegal gambling pero wala namang naipakitang search warrants.
Sa inihaing reklamo ng mga biktimang Koreano, sinikwat ng mga suspek ang mga kagamitan sa paglalaro ng golf, alahas, laptops.
Pinigil ang mga biktima sa himpilan ng pulisya sa loob ng 7-oras kung saan hiningan ng P30,000 at karagdagang P.3 milyon na inutang pa ng 3-Koreano sa kanilang kaibigan para makalaya.
Lumilitaw din sa imbestigasyon na wala sa police blotter ang pagkakaaresto sa mga Koreano.
- Latest