Misis patay sa sunog
MANILA, Philippines - Namatay ang 41-anyos na misis habang malubha namang nasugatan ang kanyang mister matapos na masunog ang kanilang two-storey na bahay sa Brgy. Soquib, bayan ng Besao, Mountain Province noong Lunes ng madaling araw.
Sa ulat ni Cordillera Police Director P/Chief Supt. Elmer Francis Sarona, halos hindi na makilala ang bangkay ng biktimang si Jane Mey-ang. Isinugod naman sa Besao District Hospital ang mister nitong si Noble Ayson Mey-ang, 43, sanhi ng tinamong mga paso sa katawan at pagkabali ng buto nang tumalon sa bintana sa ikalawang palapag mula sa nasusunog na bahay.
Ayon sa imbestigasyon, naalimpungatan ang mag-asawa na nababalutan na ng makapal na usok ang kanilang bahay na nasusunog kung saan gumapang ang nasabing mister at tumalon mula sa bintana sa ikalawang palapag.
Samantala, minalas namang makulong ng apoy ang misis nito kaya natusta kung saan narekober ang bangkay nito pasado alas-2 ng madaling araw.
Tinatayang aabot sa P.2 milyong halaga ng ari-arian ang pinsala sa naganap na sunog.
- Latest