Anti-corruption group hinamon si Morales vs Rep. Arcillas, et al
STA. ROSA, Laguna, Philippines – Mariing hinamon ng anti-corruption group si Ombudsman Conchita Morales na tapusin na ang imbestigasyon at ilabas sa publiko ang resolusyon kaugnay sa sinasabing maanomalyang P589.9 milyong sports complex laban kina Rep. Arlene B. Arcillas, negosyanteng si Cedric Lee, at iba pang opisyal ng nasabing lungsod.
Ipinanawagan din nila na resolbahin na rin ang mga kasong administratibo at kriminal laban kay Rep. Arcillas, kasama ang 12 kapitan ng barangay dahil sa paglabag sa Section 8 Paragraph (a) ng Republic Act (RA) 6713 o ang probisyon na may kinalaman sa totoo na pagbibigay ng mga detalye at tapat na pagsumite ng Statement of Assets and Liabilities Networth (SALN).
Inihayag ng pamunuan ng Kaisahan ng Mamamayang Aktibo at Organisado ng Sta. Rosa (KAMAO ng Sta. Rosa, Inc, isang rehistradong grupo sa Securities and Exchange Commission, na obligasyon ni Ombudsman Morales na pakinggan ang daing at protektahan ang interes ng mamamayan laban sa mga tiwaling opisyal ng lungsod.
Sa pahayag ni Jennifer Lucero, presidente ng KAMAO ng Sta. Rosa, dapat na patunayan ni Morales na si Arcillas ay hindi ‘sacred cow’ o ‘protektado’ ng kanyang tanggapan at karapat-dapat na parusahan ayon sa merito ng mga kaso.
Ang pagkilos ng nasabing grupo ay pagresponde sa mensahe ni Presidente Rodrigo Duterte noong Enero 1, 2017 na nananawagan sa publiko na suportahan siya laban sa korapsyon.
Ang kasong P589.9 milyon sports complex scam nina Rep. Arcillas, Lee, at City Engineer Lauro Reyes ay nasa ilalim ng Ombudsman docket number: FF-L-16-03-79 na isinampa ni Renato Alinsod noong Hunyo 18, 2016.
Ang SALN case naman ng Kongresista at ng 12 kapitan ay nasa pagsusuri ng graft investigators and prosecution officers ng Ombudsman for Luzon at isinampa ni Dorotea Rustique noong Disyembre 11, 2015.
Isa sa 12 kapitan na si Chairman Jose ‘Pepeng’ Cartano ay sinuspinde ni Deputy Ombudsman for Luzon Gerard Mosquera ng tatlong (3) buwan noong Nobyembre 2, 2016 kaugnay naman sa ibang kasong Malversation of Public Funds na isinampa laban sa kanya ni Flor V. Benavides noong Pebrero 12, 2016.
Sinasabing matagal nang nakabinbin ang mga nasabing kaso laban kay Arcillas, et al. kaya dapat na bigyan ng resolusyon, dagdag pa ng KAMAO president.
- Latest