Pagbubukas ng exit sa Sto. Tomas, inindorso
PAMPANGA, Philippines – Pinagtibay ng Regional Development Council (RDC) ang resolusyong humihiling sa Manila North Tollways Corporation (MNTC) na makapagbukas ng bagong exit sa North Luzon Expressway (NLEx) sa bahagi ng bayan ng Santo Tomas sa Pampanga.
Ayon kay RDC Vice Chair at National Economic and Development Authority Regional Director Severino Santos, kapag naisakatuparan ang proyekto ay mapapaluwag nito ang ma tinding pagsisikip ng trapiko sa San Simon exit ng NLEx at maging ang mabagal na daloy ng mga sasakyan sa MacArthur Highway sa bahagi ng San Simon at Apalit.
Kakambal ng pagbubukas ng panukalang bagong Santo Tomas Exit ay ang paglalatag ng bagong kalsada ang Santo Tomas Bypass na mag-uugnay sa exit hanggang sa Pasac-Culcul National Road.
Kung ang panukalang exit ay hinihiling sa MNTC, ang panukalang bypass naman ay hinihiling na mapapondohan ng Department of Public Works and Highways sa susunod na pambansang badyet ng 2018.
Samantala, habang hinihintay pa ang katuparan ng dalawang proyektong imprastraktura, nilalaparan ng DPWH ang service road na nag-uugnay sa MacArthur Highway patungo sa San Simon Exit ng NLEx sa Barangay Sto. Domingo.
Binawi ng DPWH ang road-right-of-way sa mga nagsipagtayong ilegal na istraktura sa kahabaan ng nasabing service road dahil ‘kinain’ na nito ang buong linya ng daan kaya naging salubungang kalsada lamang ito.
Giniba ang mga istraktura na dating mga vulcanizing shops, talyer at auto supply shops.
Ngayong nalinis na ang lahat ng ilegal na istraktura, inilalatag na ng DPWH ang apat na linyang konkretong kalsada.
Ito ang pangunahing daan ng mga pampasaherong bus na mula sa Pampanga patungong Metro Manila na may rutang dumadaan sa mga bayan ng San Simon, Apalit, Calumpit at Malolos City hanggang sa Tabang exit ng NLEx.
- Latest