12 kaso ng stray bullets naitala ng PNP

MANILA, Philippines – Umabot sa 12-kaso ng stray bullets na kumitil ng buhay ng 20-anyos na kasambahay habang siyam naman ang na­sugatan ang naitala ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon.

Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Deputy Director General  Ramon Apolinario, deputy chief for operations na ang nasabing bilang ay naitala sa ilalim ng monitoring ng PNP sa Oplan Ligtas Paskuhan 2016 mula Disyembre 16, 2016 hanggang Enero 2, 2017.

Sa 12 insidente ng stray bullet ay isa ang namatay at 9 naman ang nasugatan kabilang ang walong natukoy ang pagkakakilanlan.

Nakilala ang namatay na si Roan  Carbonel na kasambahay na tinamaan ng ligaw na bala sa Tambunting Street, Sta. Cruz, Maynila noong Disyembre 25, 2016.

Nilinaw nito na sa pagsalubong sa Bagong Taon simula noong ha­tinggabi ng Disyembre 31 hanggang Enero 1 ay apat ang naging biktima ng stray bullet.

Samantala, ang kaso naman ng nasabugan ng paputok ay umabot sa 224 lamang ang nairekord ng PNP dahil ito ang ini-report sa kanilang tanggapan kumpara sa 350 na naitala ng Department of Health (DOH).

Samantala, sa 23 kaso ng indiscriminate firing ay 19-katao ang naaresto, 14 dito ay mga sibilyan, isa ang pulis at isa rin mula sa AFP habang tatlo naman ang security guards.

Nasa 18 sibilyan naman ang nasakote sa pagbebenta ng illegal na paputok o malalakas na uri ng pampasabog.

Inihayag pa nito na ang ‘Duterte factor’ ang nakatulong para bumaba ang bilang ng mga biktima ng paputok at maigting na police visibility.

Magugunita na noong pagsalubong sa Bagong Taon noong  2015 ay mahigit sa 500 ang nasugatan kung saan ngayong taon ay lumilitaw na bumaba ito ng 60 %.

Show comments