400 kolektor ng basura, nagkilos-protesta
MANILA, Philippines – Nangangamba ang mga residente sa ilang barangay sa Quezon City na mangangalingasaw makaraang magkilos-protesta ang 400 garbage collectors at driver kahapon ng umaga.
Hindi pumasok sa trabaho ang mga driver at pahinante ng mga trak ng basura na komokolekta ng basura sa District 5 partikular sa mga Barangay Fairview, Lagro, Kaligayahan, Gulod, at sa Barangay San Bartolome.
Sentimiyento ng mga driver at pahinante ang kakarampot na pasahod araw-araw ng 316 Metro Transport Inc. na nakabase sa Payatas, Quezon City at kontraktor sa paghahakot sa mga basura ng Quezon City Hall.
Ayon sa mga nagkilos-protesta, hindi sapat ang kanilang natatanggap na sahod para sa hirap ng kanilang hanapbuhay at kulang na kulang para pakainin ang kani-kanilang pamilya.
Umabot lamang sa P90 hanggang P120 ang kanilang kita sa kada araw depende sa laki ng trak na kanilang dala sa paghahakot ng basura.
Dahil sa lawak ng lugar na pinagkukunan ng basura ay halos isang beses lamang sila nakakaikot at masuwerte na ang makadalawang biyahe.
Hindi na muna sila bumiyahe ngayong araw para iparating ang kanilang hinaing sa may-ari ng nasabing kompanya na nagsisilbing kontraktor ng pamahalaang lungsod.
Bukod sa mababang sahod ay walang benepisyo na naibibigay sa kanila ang nasabing kompanya.
Inihalimbawa ang isäng tauhan ng kompanya na si Mang Rodelio Roco na naputulan ng daliri sa pagkolekta ng basura pero wala man lamang na nakuhang tulong mula sa kanilang kompanya.
Ayon sa mga nagkilos-protesta na hindi sila aalis sa kanilang protesta sa tanggapan ng kanilang kompanya hanggang walang aksiyon sa kanilang kahilingan.
- Latest