TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Kamatayan ang sinapit ng 38-anyos na abogado na dating municipal councilor at bodyguard nito makaraang ratratin ng dalawang hindi kilalang lalaki habang taimtim na nanalangin sa kalagitnaan ng Misa de Gallo sa loob ng simbahan ng Barangay Poblacion sa bayan ng San Pablo, Isabela kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga napatay na sina Atty. Arlan Castañeda na naging three-term councilor sa nasabing bayan, at Melito Binag, 51, mga nakatira sa nasabing bayan.?
Ayon kay P/Supt. Manuel Bringas, Isabela police chief Investigator, si Atty. Castañeda ay sinasabing pinsan ni National Democratic Front Peace Consultant Randy Malayao na nagpahiwatig na may bahid pulitika ang pamamaslang. ?
Ayon kay Bringas, nagsigawan at nagsitakbuhan ang mga deboto sa nasabing misa makaraang umalingawngaw ang sunund-sunod na putok ng baril kung saan sinamantala naman ng gunmen na makatakas sa gitna ng dilim.
Narekober sa crime scene ang limang basyo ng bala ng cal.9mm pistol at ang cal.45 pistol na nakasukbit pa sa baywang ni Binag.
Kaugnay nito, bumuo na ang pulisya ng Special Investigating Task Group upang matukoy ang mga suspek.