NORTH COTABATO, Philippines – Tatlo-katao kabilang ang talunang mayoralty bet ang napatay makaraang ratratin ng mga hindi kilalang lalaki sa Christmas party at family reunion sa Barangay Katiku, bayan ng Pres. Quirino sa Sultan Kudarat kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga napatay na sina Peter Dumrigue, tumakbong alkalde noong nakalipas na halalan; Ernesto Ayson, at si Florante Guillermo habang sugatan naman si Oyet Mateo.
Base sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Raul Supiter, director ng Sultan Kudarat police office, naitala ang krimen bandang alas-6:30 ng gabi habang nagkakasiyahan ang mga biktima sa nasabing okasyon kung saan umalingawngaw ang sunud-sunod na putok gamit ang M16 Armalite rifle.
Gayunman, gumanti rin ng putok ang mga security escort ni Dumrigue subalit hindi tinamaan ang gunmen na mabilis na tumakas sakay ng motorsiklo.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang mga biktima subalit namatay din.
Napag-alamang humiling ng dalawang security escorts si Dumrigue dahil sa mga natatanggap nitong pagbabanta sa buhay.
Sinisilip ng mga awtoridad ang anggulong away-politika na isa sa motibo sa nasabing pamamaril.