Pulis-droga, 2 pa dedo sa pot session

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga durugistang sina ex-PO3 Marjo Sidayen, 41, da­ting nakatalaga sa Drug Enforcement Unit sa San Miguel PNP; Michael Ta­radel, at si John Albert “John” Apoderado, 28, mga nakatira sa nasabing barangay. File photo

BULACAN, Philippines – Tatlo-katao kabilang ang nag-AWOL na pulis na naaktuhan sa pot session ang napatay makaraang kumasa at maki­pagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa loob ng bahay sa Barangay Tigpalas, bayan ng San Miguel, Bulacan noong Martes ng gabi.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga durugistang sina ex-PO3 Marjo Sidayen, 41, da­ting nakatalaga sa Drug Enforcement Unit sa San Miguel PNP; Michael Ta­radel, at si John Albert “John” Apoderado, 28, mga nakatira sa nasabing barangay.

Base sa police report na nakarating kay P/Supt. Joel Estaris, dakong alas-8 ng gabi nang makatanggap ng impormasyon ang himpilan ng pulisya kaugnay sa nagaganap na pot session sa bahay na pag-aari ni Apoderado kasama sina Sidayan at Taradel.

Nang makumpirma ang natanggap na impormas­yon ay sinalakay ng pulisya ang nasabing lugar subalit habang palapit ang grupo ng pulis ay pinutukan sila ng mga suspek kaya nauwi sa bakbakan hanggang sa mapatay ang tatlo.

Narekober sa encounter site ang tatlong cal.38 revolver, cal. 9mm pistol, mga bala, apat na pakete ng shabu at mga drug paraphernalia.

Nabatid na ginagawang drug den ang nasabing bahay kung saan hindi naman sumuko sa programang Oplan Tokhang ng pulisya ang tatlo.

Show comments