BULACAN, Philippines - Tatlo-katao na sinasabing nasa drug watchlist ang napatay sa serye ng buy-bust operation ng pulisya sa tatlong lugar sa lalawigan ng Bulacan noong Miyerkules ng gabi. Kinilala ang mga napatay na sina Virgilio Malinlic, 47, ng Brgy. Caysio; Frederick Guevarra, 44, ng Brgy. Bancal; at si Darwin Sulit ng Brgy. Pinagbakahan, Malolos City.
Base sa police report, napatay ng mga tauhan ni P/Supt. Reniel Valones si Malinlic sa buy-bust operation sa Pabahay, Brgy. Caysio sa bayan ng Sta. Maria kung saan tinangka nitong makipagbarilan.
Kasunod nito, bulagta rin si Guevarra makaraang makipagbarilan sa mga tauhan ni P/Supt. Lailene Amparo sa inilatag na operasyon sa Estrante St., Brgy. Bancal sa Meycauayan City. Maging si Sulit ay kumasa rin at nakipagbarilan sa mga tauhan ni P/Supt. Heryl Bruno matapos ang buy-bust operation sa sports complex sa Brgy. Bulihan, Malolos City.
Narekober sa tatlong operasyon ang 22 plastic sachet ng shabu, 3 digital weighing scale, mga drug paraphernalia, P2,000 marked money, dalawang cal.38 revolver at isang cal.45 pistol.