Guro lunod sa pagsagip sa estudyante

CAMARINES NORTE, Philippines  - Nabahiran ng pagluluksa ang masayang paliligo ng ilang mag-aaral  makaraang malunod  ang kanilang guro sa pagsagip sa 16-anyos na estudyante na nalulunod sa dagat ng Sitio Calabegaho, Barangay Osmeña sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte kamakalawa ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Gene Avellana Jr., may asawa, guro sa Gawad Kalinga High School (GKHS) at nakatira sa bayan ng Basud, Camarines Norte.

Patuloy naman pinaghahanap ng mga awtoridad ang nawawalang estudyante na si Aaron Hitolle, Grade 11 ng GKHS at residente sa Purok 3 sa nasabing barangay.

Base sa police report na ipinarating sa Camp Wenceslao Q. Vinzsons Sr., humihingi ng saklolo si Hitolle matapos itong mapadpad sa malalim na bahagi ng dagat kung saan kaagad namang sinaklolohan ni Avellana.

Sa hindi inaasahang pagkakataon ay inanod din ng malakas na agos ng tubig-dagat ang biktima kaya tuluyang nalunod.

Hindi na umabot ng buhay sa Jose Panganiban Primary Hospital ang biktima.

Show comments