MANILA, Philippines - Napaslang ang sinasabing lider ng sindikatong sangkot sa drug trade at iba pang gawaing kriminal matapos na makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa bayan ng Dinas, Zamboanga del Sur kamakalawa.
Sa ulat ng Army’s 53rd Infantry Battalion, kinilala ang napatay na lider ng sindikato na si Norhan Ambol na gumagamit ng mga alyas Nho at Bungi ng Ambol Group na nag-o-operate sa Zamboanga Peninsula Region.
Bandang ala-1:35 ng hapon nang makasagupa ng tropa ng militar ang sampung miyembro ng grupo sa pamumuno ni Ambol sa Barangay East Migpulao sa nasabing bayan.
Nabatid na nagkaroon ng 15-minutong putukan kung saan napatay si Ambol na inabandona ng kaniyang mga tauhan.
Wala namang naiulat na napatay at nasugatan sa panig ng tropa ng militar.
Sa isinagawang clearing operation mga sundalo ay narekober ang bangkay ni Ambol, isang M16 rifle, tatlong magazine, 65 bala, dalawang packpacks at mga personal na kagamitan.