MANILA, Philippines – Umiskor ang mga operatiba ng pulisya makaraang ma-nuetralized ang kilabot na Alcala Drug Group nang masakote ang dalawang pamangkin ni dating Agriculture Secretary Proceso Alcala at apat na iba pa sa isinagawang buy bust operation sa bayan ng Sariaya, Quezon kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni Sr. Supt. Antonio Yarra, Provincial Police Office (PPO) director ng Quezon Police, kinilala ang mga pamangkin ni Alcala na sina Sahjid Alcala at nakababata nitong kapatid na si Cerolleriz Alcala. Sila ay pamangkin din ni dating Quezon Rep. Vicente Alcala.
Si Sahjid ay kabilang sa high value target na mga suspek na tulak ng droga sa lalawigan. Siya ay anak ni Cerilo “Athel” Alcala na nakababatang kapatid nina Proceso at Vicente.
Arestado rin sa operasyon ang iba pang mga drug suspect na sina Joel Lambit, Noel Abutin, Dona May Abastillas at Yumiko Angela Tan.
Nabatid na ang magamang Cerilo at Sahjid ay ang pinakamaimpluwensyang drug personality umano sa lalawigan ng Quezon na umano’y malakas sa ilang mga pulitiko.
Bandang ala-1:15 ng madaling araw nang masakote ang mga suspek matapos namang magbenta ng shabu sa poseur buyer ng pulisya sa Brgy. Balubal, Sariaya. Narekober sa mga suspek ang 62.3 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P115,255, tatlong kotse at isang motorsiklo na gamit ng naturang drug group ng mga suspek.
Una nang ibinulgar ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang mag-amang Alcala ay kabilang sa mga prominenteng angkan ng mga pulitiko na sangkot sa illegal drug trade. Unang nasakote ng mga awtoridad ang inang si Maria Fe at kapatid ng mga itong babae na si Toni Ann Alcala sa drug bust operation ng mga awtoridad sa Tayabas City may dalawang buwan na ang nakalilipas.
Noong Agosto 14, sumuko sa pulisya ang mag-amang Cerilo at Sahjid na sinamahan pa ni Rep. Alcala na nangakong hindi na muli pang magtutulak ng droga.
Gayunman, dahil sa may sakit ay isinailalim sa hospital arrest si Cerilo pero nakalaya matapos na magpiyansa habang wala namang warrant of arrest si Sahjid.