Kinidnap na pastor nasagip

MANILA, Philippines - Nasagip sa mga kidnappers ang isang Pastor na nakabase sa Benguet matapos siyang kidnapin  ng  hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan sa isinagawang rescue operations  ng mga awtoridad, ayon sa ulat kahapon.

 Sa ulat ng Cordillera Police, ang biktimang si Pastor Richard Santos ng Baptist Church sa Brgy. Loo, Buguias, Benguet ay  kasalukuyan ngayong nilalapatan ng lunas sa Benguet General Hospital.

 Bandang alas-4:15 ng madaling araw kamakalawa nang makatanggap ng tawag sa telepono ang Benguet Police hinggil sa pagkakaligtas sa biktima.

 Sa salaysay ni Santos, dakong  alas-2 ng hapon noong Martes nang sumakay siya sa Innova taxi sa KM 5, Brgy. Pico, La Trinidad, Benguet. Nagpapahatid umano siya sa Session Road, Baguio City  subalit pagsapit sa Bell Church sa KM 3, La Trinidad, Benguet ay  nakaramdam siya ng matinding pagkahilo at hinimatay.  Nang magising ay nasa loob na sila ng isang gusali kung saan ay pinagpapalo  umano siya ng tubo sa ulo at kanyang ari ng apat na mga armadong kidnappers bunga ng pagpalag nito sa mga suspek. Hindi pa nakuntento ang mga suspek ay muling isinakay ang pastor ng mga suspek sa isang kulay puting L 300 van at inabandona sa isang lugar umano sa Taguig City. Nagawa namang makahingi ng tulong ng biktima na dinala ng mga residente sa Taguig Pateros Hospital at dito na sinundo ng kapatid nito saka ibiniyahe patungong Benguet kung saan dito ito inilipat ng pagamutan.

Show comments