BULACAN, Philippines --- Kalaboso ang isang lesbian na miyembro ng LGTB Community matapos na ibugaw nito ang isang babaeng menor-de-edad sa loob ng isang KTV bar sa Brgy. Santa Rita, Guiguinto, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong R.A. 9208 (Anti Trafficking in Person Act of 2003) ang suspek na kinilalang si Jeniffer Espinola, 37, residente ng Hangga Santa Rita Exit, Brgy. Santa Rita sa naturang bayan.
Kaagad namang ipinasa sa lokal na Department of Social Welfare and Development matapos na masagip ang biktima na itinago sa pangalang Lovely, 13, ng Antipolo City,Rizal. Sa ulat ni P/CInsp. Rolando Geronimo OIC-COP ng Guiguinto MPS dakong alas-8:30 ng gabi ay nagpunta ang ina ng biktima upang ireklamo ang suspek matapos na mapag-alamang ibinubugaw nito ang biktima bilang VIP entertainer sa mga parukyanong lalaki sa Reasan KTV Bar na nasa Brgy. Santa Rita. Nang makumpirma ay dito na sinalakay ng pulisya ang lugar na naging dahilan upang maaktuhan ang biktima na puwersahang ibinubugaw sa mga lalaking kostumer at pagkakaaresto sa suspek.
Bago ito ay kinuha ng suspek ang biktima sa isang lugar sa Antipolo City saka dinala sa naturang bayan upang magtrabaho at pinangakuang babayaran ng halagang P2,000 piso ang kanyang serbisyo hanggang sa matunton ang nawawalang biktima saka ireklamo nito ang suspek.