NORTH COTABATO, Philippines - Inilabas na ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) Region 7 ang resulta ng post-mortem examination sa bangkay ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.
Ayon kay P/Chief Insp. Benjamin Lara, medico legal ng SOCO Region 7, apat na beses na binaril ang alkalde kaya kaagad na namatay.
Ayon sa abogado ng pamilya Espinosa na si Atty. Lailani Villarino, tatlong bala ang narekober mula sa katawan ng alkalde habang ang isa naman ay tumagos sa katawan nito.
Ayon kay Villarino, lumabas sa autopsy na posibleng nakahiga si Mayor Espinosa nang ito ay barilin.
May tama sa ulo ang alkalde habang nawawala umano ang dalawang mamahaling singsing ni Espinosa.
Ayon sa ulat, sinasabing nanlaban umano si Mayor Espinosa at kapwa inmate na si Raul Yap sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 8 nang magsilbi ng search warrant kaya nabaril ng mga awtoridad.
Nakatakdang iburol ang mga labi ni Mayor Espinosa sa bahay ng anak nitong si Kerwin sa Tinago, Barangay Benolho sa nasabing bayan.