CAVITE, Philippines – Arestado ang siyam-katao na sinasabing nagnakaw ng tone-toneladang steel bar sa isinagawang entrapment operation kamakalawa sa Barangay Silang Crossing East sa Tagaytay City, Cavite. Nakatakdang kasuhan ang mga suspek na sina Ruel Noga, 36; Maricar Avila, 35; Joselito Perez, 33, driver; Jonathan Rint, 31; Lauro Pacia, 41, driver; Gregorio Maullon, 44; Romeo Burgos 43, driver; Vincent Cayetano, 36, driver/mechanic; at si Ariel Mayorga, 50, driver/mechanic, mga nakatira sa Batangas City, Batangas. Pinaghahanap naman ang isa pang suspek na si Raymund Benamer, warehouse man. Ang mga suspek ay inireklamo ng project manager ng isang korporasyon sa Calamba City, Laguna kaugnay sa delivery ng mga steel bar sa ginagawang subdivision. Inilatag ang entrapment operation kaya nasakote ang mga suspek na lulan ng Hyundai van na may plakang RBF 739.