Shabu lab sa bodega ng ex-mayor ni-raid
CAUAYAN CITY, Isabela, Philippines – Kamatayan ang sinapit ng dalawang Chinese drug lord makaraang makipagbarilan sa mga awtoridad na sumalakay sa shabu laboratory na nakakubli sa bodegang pagmamay-ari ng dating mayor sa naganap na shootout sa Maharlika Highway sa Barangay District One, Cauayan City, Isabela noong Linggo ng hapon.?
Kinilala ni PNP Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang mga napatay na sina Kim Punzalan Uy at Canbo Shieng na kapwa taga-Fujian, China.
Ayon kay Dela Rosa, bineberipika pa ang pagkatao ni Punzalan Uy kung ito ang tinutukoy na drug lord na si Atong Lee.?
Narekober sa tabi ng bangkay ng mga napaslang ang cal. 45 pistol at cal.9mm Ingram submachine gun. ?
Nabatid na papasok pa lamang ang raiding team ng pulisya at PDEA sa nasabing compound ng shabu laboratory ay sinalubong na ang mga ito ng pagpapaputok ng dalawa na nauwi sa shootout.
Umaabot sa 30 plastic containers at 20 plastic drum na pinaniniwalaang kemikal at iba’t-ibang aparato sa paggawa ng shabu ang nasamsam sa inilatag na raid. ?
Ayon sa ulat, ang shabu Lab ay kayang gumawa ng 400 kilo ng shabu sa loob ng isang linggo.?
Sinabi naman ni P/Supt. Ariel Quilang, hepe ng Cauayan City Police Station, iimbistigahan nila si ex-Mayor Manuel Tio ng Luna, Isabela na sinasabing may-ari ng bodega na pinagtayuan ng shabu lab.
Natagpuan sa shabu lab ang Toyota Hilux (ABB-3553) na pag-aari ni Tio.?
Isinagawa ang raid sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Bernelito Fernandez ng Quezon City Regional Trial Court Branch 101.
Patuloy pa rin inaalam ang halaga ng nakumpiskang gamit sa shabu laboratory.