NORTH COTABATO, Philippines - Niyanig ng magnitude 6.5 na lindol ang bayan ng Mati, Davao Oriental at iba pang bahagi ng Mindanao kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang sentro ng lindol ay natukoy na nasa 41 kilometro southeast at may lalim na 42 kilometro at tectonic ang origin.
Kasabay nito, naitala rin ang intensity 5 sa Mati, Davao Oriental, Davao City; intensity 4 sa General Santos City maging sa Alabel, Glan at Malapatan sa Sarangani at sa bayan ng Polomolok, South Cotabato.
Samantala, nasa intensity 3 naman sa bayan ng Tupi, South Cotabato at Cagayan De Oro City.
Naramdaman din ang pagyanig sa iba pang bahagi ng Mindanao tulad sa bayan ng Kabacan, North Cotabato; Kidapawan City at sa bayan ng Matalam.
Agad namang nilinaw ni Phivolcs Director Solidum na bagamat may kalakasan ang lindol ay wala namang inaasahang tsunami na idudulot nito.
Subalit asahan ang serye ng aftershocks na mararamdaman.