MANILA, Philippines – Kinarit ni kamatayan ang isang 54 anyos na ginang habang pito pa ang nasugatan makaraang aksidenteng mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang van sa matarik na bahagi ng highway sa Brgy. Luyo, Inabanga, Bohol nitong Sabado.
Ang nasawing biktima na kinilalang si Graciana Avergonzado, naninirahan sa bayan ng Talibon, Bohol ay binawian ng buhay habang isinasalba sa Francisco Dagohoy Municipal Hospital.
Isinugod naman sa pagamutan ang mga sugatang sina Jhun Rey Polestico, 37 anyos, driver ng van (WCQ 423), lima nitong kapamilya at isang bystander sa lugar. Kinilala ang iba pa na sina Elizabeth Polestico at apat na bata habang ang bystander ay si Elsa Melencion, 76 anyos, na naglalakad sa lugar.
Ang mga ito ay isinugod sa pagamutan sa lungsod ng Tagbilaran ng mga sumaklolong rescue team ng pamahalaang lokal upang malapatan ng pangunahing lunas.
Base sa report ng Bohol Police, naitala ang sakuna sa nasabing lugar bandang alas-5:40 ng umaga.
Sa imbestigasyon, patungo sa Tagbilaran City ang behikulo galing sa bayan ng Talibon nang iwasan umano ni Polestico ang isang kasalubong na motorsiklo pero sa kamalasan ay nabundol pa nito ang naglalakad na matanda.
Samantalang tuluy-tuloy na nahulog sa bangin sa tabi ng highway ang nasabing behikulo.
Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ng mga awtoridad ang kasong ito.