TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Limang notoryus na karnaper ang napatay makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng Urdaneta City PNP at Highway Patrol Group sa bahagi Barangay Nan Calobasaan sa Urdaneta City, Pangasinan kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat ni P/Senior Supt. Ronald Oliver Lee, Pangasinan PNP director, kinilala ang mga napatay na sinasabing miyembro ng Rent-Tangay Gang na sina Jomar delos Santos, Arnold Bandara, Gilbert Diomico, Joselito Santiago at si Joel Lolo Sr.
Ayon kay Lee, tumakas ang nasabing grupo na lulan ng Toyota Innova mula sa kanilang hideout na sinalakay ng mga operatiba sa La Trinidad, Benguet.
Nabatid din na ang dalawang driver ng van ay itinapon sa mga bayan ng Binalonan at Manaoag noong nakalipas na buwan
Natagpuan sa hideout ng grupo ang iba’t ibang tsinap-chop na parte ng mga sasakyan na pinaniniwalaang karnap.
Gayunman, inalerto ng La Trinidad PNP ang Pangasinan PNP kaya inilatag ang ilang checkpoint sa McArthur Highway na posibleng tahakin ng nasabing grupo.
Mula rito, naispatan ng mga operatiba ang sasakyan ng nasabing grupo kaya tinangka nilang harangin subalit nagtuluy-tuloy ito at pinaputukan ang mga pulis na nagbabantay.
Sumiklab ang habulan at bakbakan hanggang sa makorner at mapatay ang limang karnaper sa kahabaan ng highway bandang alas-2 ng madaling araw.
Narekober sa encounter site ang apat na cal. 45 pistol, mga bala, ilang registration papers ng sasakyan at mga camouflage uniform ng PNP habang patuloy naman ang imbestigasyon.