Hostage-drama: 2-anyos totoy ligtas, suspek arestado

Inaalalayan ng mga awtorida ang suspek sa hostage-drama matapos itong masukol kahapon ng umaga. Jorge Hallare

CAMARINES NORTE , Philippines- Umabot sa walong oras  ang naganap na hostage-drama bago nailigtas ang 2-anyos na totoy sa kamay ng suspek sa loob ng pampasaherong bus na bumabagtas sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Ilaor Sur sa ba­yan ng Oas, Albay kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni P/Chief Supt. Melvin Buenafe, director ng police regional office ang nasagip na biktima na si Vince Malabartas ng Sitio Tuburan, Brgy. Casamungan sa bayan ng Balud, Masbate na isinugod sa pagamutan sa tinamong sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan dulot ng patalim na ginamit ng suspek.

Arestado naman ang suspek na si Bayani Yutiga  Balanon, 48, ng Barangay Bato sa Milagros, Masbate  na nakumpiskahan ng patalim na plastic na korteng kutsilyo.

Bukod naman sa bata, nasagip din ang iba pang hostage na sina Rodelsa Escala at Mary Grace Escala na kapwa nakatira sa Villa Alvarfes sa bayan ng Balud, Masbate.

Base sa imbestigasyon, dakong alas-12:30 ng madaling araw nang bigla na lamang i-hostage  ng suspek ang natutulog na bata na sinunggaban nito habang lulan ng Raymund Bus Liner na biyaheng Sorsogon na bumabagtas sa kahabaan ng Maharlika  Highway.

Sa pahayag ng ina ng bata, bago ang pangho-hostage ay sinabi pa sa kaniya ng balisang hostage-taker na may matindi umano siyang problema sa pamilya at nais umanong umuwi sa bayan ng Milagros, Masbate.

Agad namang rumesponde ang mga operatiba ng pulisya pero tumagal ng walong oras ang negosasyon dahil ikinonsidera ng mga awtoridad ang kaligtasan ng bata.

Samantala, nag-demand din ng mga television reporter ang suspek habang isinasagawa ang negosasyon dahil nais umano niyang magpa-interbyu.

Nagawa namang na­agaw nina P/Senior Inspector Domingo Tapel, hepe ng Oas PNP; at Albay Provincial Police Office Director P/Senior Supt. Antonio Curajales ang patalim sa suspek matapos itong makalingat dakong alas-8:25 ng umaga at nailigtas ang bata habang arestado naman ang suspek.

Kasalukuyan na nga­yong humihimas ng rehas na bakal ang suspek na nahaharap sa kasong kriminal. Dagdag ulat ni Jorge Hallare

 

Show comments