German adventurist nilamon ng ilog

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Maagang kamatayan ang sumalubong sa 28-anyos na German adventurist matapos tumaob ang kanilang sinasakyang rafting boat sa bahagi ng Chico River sa Sitio Chaklikan Chakso, Bontoc Ili, Bontoc, Mountain Province kamakalawa. ?

Kinilala ni Mt. Province PNP Director P/Senior Supt. Cornelio Comila ang biktima na si Judith Kiesl ng Heidelberg, Germany.?

Ayon kay Comila, si Kiesl at ang mga kababayang sina Christoph Sebastian Kaufmann, 28;  Arian Grischa Herbig, 30; Goslar Sasselstar, 55; at si Paul Jonathan Roch, 28, ay sinamahan ng rafting guide na si Steven Rogers at dalawa pang alalay na sina Frenzel Sumeg-ang at Alfred Bacagan, 39 na maglayag subalit tumama ang kanilang sasakyang rafting boat sa malaking tipak ng bato sa gitna ng rumaragasang tubig sa nasabing ilog.?

Nagawang makalangoy sa pampang ang grupo ni Kiesl at Rogers matapos bumaliktad ang kanilang bangka maliban kay Kiesl.?

Ayon sa ulat, natagpuan ng rescue team ang nawawalang dalaga sa ilalim ng tubig na naipit sa pagitan ng dalawang bato.?

Sinikap isugod ng mga sumaklolo si Kiesl sa Bontoc General Hospital kung saan ito idineklarang patay. ?

Ayon kay Comila, ipinakita ni Rogers sa otoridad ang nilagdaang Acceptance of Risk Agreement ng mga biktima bilang paghuhugas sa anumang responsibilidad sa naganap sakuna. ?

Ibiniyahe sa Baguio City ang mga labi ni Kiesl at ipinaalam na sa German Embassy sa Maynila ang naganap na insidente.

Show comments