PAMPANGA, Philippines – Umaabot sa P16.6 milyong halaga ng gamit-pansaka ang ipinamahagi ng pamahalaan ng panlalawigan sa may 87 grupo ng magsasaka mula sa iba’t ibang distrito sa Pampanga.
Kabilang sa mga ipinamigay upang paigtingin ang mekanismong paraan ng pagsasaka ang 49 shallow tube wells, 12 hand tractors na may trailer and implements, pitong mini 4-wheel drive tractors, 6 na panggapas ng palay, 6 na rice threshers, 4 na patubig, 4 na rice transplanters at isang combine harvester.
Layunin ng nasabing ayuda na dagdagan ang kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na mapalago at maparami ang kanilang aanihing palay.
Ayon kay Vice Governor Dennis Pineda na ang mga makinarya ay para sa kapakinabangan ng buong grupo at hindi ng iisang magsasaka lamang.
Aniya, walang hinihinging kapalit ang pamahalaan kundi ang ingatan at gamitin nang maayos ang mga ito.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang United Farmer Association ng Barangay San Jose Matulid sa bayan ng Mexico na tumanggap ng combine harvester na nagkakahalaga ng P 1.7 milyon.