Trak swak sa kanal: 4 patay, 21 sugatan

Kabilang sa mga na­matay ay sina Rachelle Manulat, 12; Rhea Jane Domincillo, 10; Danna Jane Saren,10; at si Steffani Ann Baltonado, 9, habang naisugod naman sa ospital ang mga sugatang biktima. Philstar.com

MANILA, Philippines – Apat na kabataang mi­yembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang namatay habang 21 naman ang nasugatan makaraang mahulog ang sinasakyan nilang trak sa malalim na kanal sa Mati City, Davao Oriental noong Biyernes ng umaga.

Kabilang sa mga na­matay ay sina Rachelle Manulat, 12; Rhea Jane Domincillo, 10; Danna Jane Saren,10; at si Steffani Ann Baltonado, 9, habang naisugod naman sa ospital ang mga sugatang biktima.

Isinugod naman sa bahay-pagamutan ang mga sugatang biktima.

Base sa ulat na nakara­ting kay P/Senior Supt. Harry Espela, PNP provincial director ng Davao Orien­tal, patungong sporting event ng kanilang relihiyon sa nasabing lungsod ang mga biktimang sakay ng Isuzu Forward (LEA551) nang mawalan ng preno pagpasok pa lamang sa Barangay Taguibo bandang alas-7 ng umaga.

Ayon naman kay P/Chief Insp. Andrea de la Cerna, PNP regional spokesman, nawala sa linya ang sasakyang minamaneho ni Nove Saren mula sa bayan ng Pantukan, Compostela Valley kaya ito tumagilid saka nagtuluy-tuloy sa kanal na daluyan ng tubig.

Isinailalim na sa kustod­ya ng pulisya ang driver ng trak habang patuloy ang imbestigasyon. Dagdag ulat ni Mario D. Basco

Show comments