Negosyanteng misis, itinumba

Lumalabas sa imbestigasyon na nilapitan ng dalawang naka-helmet ang biktima habang ito ay nagtitinda ng gulay saka niratrat sa mataong pamilihan. STAR/File photo

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - Natuluyan na sa ikalawang pagtatangka sa kanyang buhay ang 53-an­yos na negosyanteng misis matapos itong ratratin ng riding-in-tandem assassins sa pamilihang bayan ng Quezon, Isabela kahapon ng umaga.

Kinilala ni P/Senior Insp. Loreto Infante, hepe ng Quezon PNP ang napatay na si Eufemia Malalad ng Barangay Lepanto sa nasabing bayan.

Lumalabas sa imbestigasyon na nilapitan ng dalawang naka-helmet ang biktima habang ito ay nagtitinda ng gulay saka niratrat sa mataong pamilihan.

Nagsitakbuhan at nagsisisigaw ang mga mamimili sa paligid kung saan sinamantala naman ng gunmen na makatakas lulan ng motorsiklo.?

Narekober sa crime scene ang anim na basyo ng bala ng cal. 9mm pistol habang naisugod naman sa Quezon Community Hospital ang biktima pero namatay din.

Sa record ng pulisya,  una nang nakaligtas si Malalad kay kamatayan noong 2013 matapos itong pagbabarilin ng mga hindi kilalang kala­lakihan dahil sa kaso ng alitan sa lupa na dinidinig sa korte.

Show comments