MANILA, Philippines - Nalansag ng mga operatiba ng PNP-Anti Cybercrime Group ang sinasabing pandaigdigang sextortion ring matapos masakote ang 28 katao sa isinagawang operasyon sa Olongapo City, Zambales, kamakalawa.
Sa ulat ni PNP-ACG Director P/Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, ang mga suspek ay sangkot sa pagbebenta ng mga pornographic na materyales sa mga pornographic website links sa kanilang kliyente partikular na sa ibang bansa.
Ayon sa opisyal, ang mga suspek ay nasakote sa ikatlong palapag ng gusali sa kahabaan ng Rizal Avenue sa Brgy. West Tapinac sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Ramon Pamular ng Guimba Regional Trial Court Branch 32 sa Nueva Ecija.
“The suspects are known for blackmailing their victims, demanding money from them or they will upload their videos showing them naked and engaging in sexual acts via internet,” pahayag ni Eleazar.
“The scale of this extortion network is massive since the crime is not limited to any one country and nor are the victims. This is the reason why the cooperation of all our foreign counterparts is essential in investigating these crimes,” dagdag pa ni Eleazar.
Inihayag ng opisyal na ang modus operandi ng sindikato ay ang irekord ang mga kliyenteng nakumbinseng maghubu’t hubad sa pamamagitan ng alok na cybersex.
Tatakuting ipakakalat sa Internet ang hubu’t hubad na larawan at malalaswang pinagagawa ng mga ito kung hindi magbabayad sa grupo ng $ 500 hanggang $ 2,000.
Nabatid pa na ang mga suspek ay gumagawa ng pekeng facebook accounts na ginagamit ay ang mga magaganda at seksing babae upang madaling makapambiktima sa cybersex matapos makipag-chat.
Nasamsam sa mga suspek ang 57 computer system units at mga accessories na gamit ng sindikato.