CAVITE, Philippines – Apat-katao na sinasabing notoryus na drug peddler ang nasakote ng mga awtoridad makaraang makumpiskahan ng P21 milyong halaga ng shabu sa inilatag na operasyon sa Barangay Parkhomes Subdivision sa Barangay Queensrow West, Bacoor City, Cavite kahapon ng madaling araw.
Sa iniyal na ulat na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, sumasailalim na sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Isa Umpara “Tarapas” Abundas, Jamil Umpara “Ato” Abundas, mga taga Marawi City; Michael Ruiz Dumagay Jr. at si Camallouding Ruiz Dumagay ng Trece Martires City.
Base sa ulat, sinalakay ang bahay ng mga suspek matapos ang ilang araw na surveillance kung saan nasamsam ang 10 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P21 milyon.
Nabatid na ginagawang bodega ng shabu ang bahay na sinalakay kung saan pinopondohan ng isang Tsino na pansamantalang hindi muna isiniwalat ang pagkakakilanlan.