MANILA, Philippines - Anim katao kabilang ang isang principal ang nasawi habang 38 pa ang nasugatan makaraang aksidenteng bumangga sa puno ang isang tourist bus na sinasakyan ng isang grupo ng mga guro sa naganap na trahedya sa highway ng bayan ng Mataas na Kahoy, Batangas nitong Biyernes ng umaga.
Sa ulat ng Batangas Police, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Zenaida Bautista, Grace Replan, principal sa Doña Justa Guido Elementary School; Virginia Sabeniano, Karina Untalan, Evangeline Sibal at Christina Cariman.
Ayon sa update ng pulisya, 38 ang sugatang isinugod sa San Jose District Hospital sa San Jose, Batangas; Lipa Medix at Mary Mediatrix Medical Center sa Lipa City upang malapatan ng lunas.
Nabatid na 49 ang kabuuang pasahero ng bus pero lima sa mga ito ay nagtamo lamang ng mga galos at sugat na hindi na nagpa-confine sa pagamutan.
Ang mga pasahero ng bus ay mga guro sa Angono Rizal Elementary School na patungo sa Shercon Resort sa bayan ng Mataas na Kahoy ng lalawigan para sa kanilang seminar at outing sa lugar.
Ayon sa imbestigasyon, bandang alas-8:30 ng umaga habang bumabagtas ang tourist bus (DWX 480) ng Shercon Resort sa provincial road ng Brgy. San
Sebastian ng bayang ito ng maganap ang sakuna.
Nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng bus na si Christopher Plando habang bumabagtas ang tourist bus sa provincial road.
Bunga nito ay nalubak ang bus sa malalim na kanal hanggang sa tuluyang bumangga sa punong kahoy sa tabi ng daan.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kasong ito.