QUEZON, Philippines – Tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang mga tulak ng ipinagbabawal na droga ang naaresto ng pinagsanib na elemento ng Provincial Intelligence Branch at Lucena PNP sa isinagawang drug bust operation sa parking area ng mall sa Barangay 3, Lucena City, Quezon kamakalawa ng gabi. Nakatakdang kasuhan ang mga suspek na sina Fernando Mirabel, 30; Julius Recalde, 23, kapwa binata at mga nakatira sa Barangay 5; at si Vincent Lao, 23, ng Barangay 10. Sa police report na nakarating kay P/Supt. Joel de Mesa, hepe ng Lucena City PNP, bandang alas-11:50 ng gabi nang isagawa ang operasyon laban sa tatlong suspek sa parking area ng mall. Hindi na nakapalag ang mga suspek makaraang makumpiskahan ng 24 plastic sachet na shabu (16 gramo) at may street value na P176, 000.