MANILA, Philippines - Tatlong bata ang nasawi makaraang malunod habang naliligo sa malalim na bahagi ng isang ilog sa Olongapo City, Zambales nitong Huwebes.
Sa report ng Olongapo City Police, kinilala ang mga nasawi na sina Emmanuel Tabuyoc, Josh Mark Fernandez; kapwa 11 anyos at Alexander Generale, 9 taong gulang, pawang residente ng Brgy. New Ilalim, Olongapo City.
Bandang alas-11 ng magkasundo ang mga sampung batang magkakaibigan na maligo sa Sta River, Brgy. Ilalim sa nasabing lungsod.
Ayon sa imbestigasyon, isa sa mga biktima ay tumalon sa pampang na bumulusok sa 10 talampakang malalim na bahagi ng nasabing ilog kung saan nagkakawag siya sa paghingi ng tulong.
Agad namang sumaklolo ang dalawa pa sa mga bata pero dahil nalulunod ay nanguyapit sa mga ito ang biktima kaya pare-pareho silang nilamon ng ilog.
Nagresponde ang mga elemento ng Olongapo City Rescue Team at narekober ang mga bata subalit pawang idineklara silang dead-on-arrival sa James Gordon Hospital.
Nabatid na hindi umano nagpaalam sa kanilang mga magulang ang tatlong bata ng magkatuwaang maligo sa ilog.
Dahil dito, pinaalalahanan ng pamahalaang lungsod ang mga magulang na bantayan at gabayang mabuti ang kanilang mga anak upang hindi sapitin ang kahalintulad na trahedya.