LEGAZPI CITY, Albay, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng 19- anyos kolehiyala matapos itong mapagtripang pagsasaksakin ng hindi kilalang lalaki na pinaniniwalaang adik sa droga kahapon ng madaling araw sa Market Site, Barangay Poblacion sa bayan ng Cataingan, Masbate. Dalawanpung saksak sa katawan ang tumapos sa buhay ni Jessica Delos Santos, dalaga, 3rd year college at nakatira sa Barangay Mactan sa bayan ng Uson, Masbate. Sa inisyal na ulat na nakarating sa Camp Simeon Ola, tulog ang biktima sa inuupahang silid nang pasukin at pagsasaksakin bandang alas-3 ng madaling araw. Narekober sa crime scene ang patalim na ginamit sa krimen at sombrero na naiwan ng suspek.