BULACAN, Philippines – Pinabulagta ang 51-anyos na biyudo matapos itong pagbabarilin ng riding-in-tandem assassins sa Barangay Gaya-Gaya, San Jose Del Monte City, Bulacan kamakalawa ng gabi. Tinamaan sa leeg at naisugod pa sa Ospital ng San Jose Del Monte subalit hindi na umabot ng buhay ang biktimang si Eduardo Dela Cruz, magsasaka at nakatira sa Tubigan Road sa nasabing barangay. Sa police report na nakarating sa Camp Alejo Santos sa Malolos City, naglalakad ang biktima sa harapan ng Frenssy Carinderia sa kahabaan ng Sitio Tubigan nang lapitan at ratratin ng tandem. Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng bala ng baril habang patuloy naman ang pagsisiyasat.